Bluenotes

Tuesday, October 9, 2012

Nagmahal ka pero di mo kayang masaktan?


hindi naman kasi sa lahat ng pagkakataon ay mahal ka ng taong mahal mo. minsan,ONE SIDED lang talaga yan. napakaswerte mo na kapag naging MU kayo or best case scenario, ay naging mag “on” kayo.
dapat kapag nagmahal ka ay sobrang open ka sa lahat ng possibilities; mahirap yung hindi ka handang masaktan, para ka lang pumunta sa isang gera na wala kang dalang baril.
masakit talagang magmahal kung di ka mahal ng taong gusto mo. kaunting kibot lang nya ay masaya ka na pero ikaw tong todo effort pero ang reaksyon nya lang ay “ha?”, parang wala lang, parang hangin lang na dumaan, tapos.
masakit din sa damdamin ng isang taong nagmamahal ang makita nyang may ibang minamahal ang minamahal nya; masakit sa mata, masakit sa damdamin, masakit isipin at masakit sa bangs. masakit yung feeling na kahit may crush lang sya ay buong pagkatao mo ay parang BOOM! sabog! KABAM! WUSHUSH! waleyyyy! talo tayo dun!

kaya naman, payong kapatid lang, payong kaibigan, payong kung kanino mang payong gusto nyong manggaling, MAGMAHAL KA, PERO ALAMIN MO KUNG KAYLAN KA HIHINTO . 
hindi porket close kayo ay possible na te. madami nga dyan ay naging magbestfriend pa pero wala talaga e. alamin muna ang dapat gawin, parang yung mga ginagawa natin tuwing eartquake drill,

STEP 1: dock over head - takpan mo ang sarili mo, kung exposed na exposed ang pagibig mo sa kanya ay magtago ka muna kahit kaunti, magtira ka sa sarili mo at sa susunod mong mamahalin kung meron man.
STEP 2: lumusot sa matitibay na mga bagay at lumayo sa mga posibleng bumagsak na malalaking bagay - learn to defend your self by being witty. kapag nafeel mo nang wala talaga, kahit gusto mo, dapat wag na, No. No. No. Kapag may kalaban ka na at mukang talo ka talaga, iwas iwas na dude, wala kang laban dyan kung gusto sya ng gusto mo.
STEP 3: kapag humina na ang lindol, alis na at lumabas na ng kwarto - nageexist ang salitang “MOVE ON”. matuto kang lumayo, magpakasaya sa buhay mo, makuntento at lahat lahat. masakit, OO! SUPER! pero wala ka talagang magagawa. bigyan mo na lang ang sarili mo ng ice cream para reward sa sarili mo dahil kinaya mo o kakayanin mo ang paglayo sa nakasanayan mo na.

eventually, mahahandle mo yan. please lang, makinig ka sakin, di mo alam ang pwedeng mangyari o maramdaman mo kung nainlove ka at ang status mo sa kanya ay kapit patalim. STOP! bago ka magiiiyak, sayang lang.

Sunday, October 7, 2012

SINGLE AKO



HINDI MASAMA ANG MAGMAHAL. sabi nga nila, kapag umibig daw ang isang tao, nailalabas nito ang tunay na kakayanan ng bawat isa; ang taong inlove? nakagagawa yan ng mga bagay na hinding hindi mo maiisip na magagawa nila, ang matatalino ay nagiging tanga, ang manhid ay nakararamdam at ang mga taong atat ay nakakapaghintay ng uboooood ng tagal. pero sabi nga nila, kapag nagmahal daw ay dapat tinitimbang din ang mga bagay bagay. baka naman kasi pumasok tayo sa isang relasyon na hindi natin alam kung tama o di din natin alam ang mga dapat gawin.

Isa akong writer na di naman gaanong sikat. marahil kaunti lamang ang nkakakilala sakin dahil sa mga gawa kong istorya na inilalabas sa mga pocket books na kadalasa'y binabasa ng mga taong masyadong namamahalan sa mga nobelang maaaring mabasa din naman ng mga tao sa mga tig-3o pesos na libro na nabibili kahit dyan sa tiangge malapit sa mga drugstore. Ang mga naisulat ko na ay karamiha'y tungkol sa tunay na pagibig. Ang sabi ng mga kaibigan ko ay napakabihasa ko na raw sa pagsusulat ng mga ganito na wari'y nakatagpo na ako ng tunay kong mamahalin; pero nagkakamali sila.

NBSB ang tawag saakin o yung sabi nga ng mga kabataan ay ang acronym nila para sa "No boy friend since birth". Oo! tama ang iyong nabasa! kakaiba ako pagdating sa mga lalaki, galit ako sa kanila, makita ko lamang sila ay parang may kasalanan na sila saakin. siguro dahil sa crush ko dati nuong high school pa ako, may pagkakataon kasi na niligawan nya ako pero ayun pala ay trip ako ng barkada nya. nag sorry naman sya saakin, at wala naman akong magagawa dahil ako itong umasa. mabilis kasi akong maattach sa mga taong feeling ko ay mahal ako o mahal ko kaya wala din akong palag kung magkataon. Nasundan iyon ng isang gwapong varsity player ng basketball sa aming school noong nasa kolehiyo na ako sa Unibersidad ng Centro Escolar sa Mendiola na tamang tama ay naging classmate ko pa sa isa naming major subject na Panitikan ng Pilipinas. Irregular student sya, kumukuha ng degree sa pagtuturo na may ispesyaltiya sa Filipino, ganuon din ang aking kurso pero mas lamang nga lang sya ng isang taon dahil ayon sa sabi nya ay "no budget" daw kaya huminto na lamang sya sa pag aaral. Kung tutuusin, sya ang tinuturing kong aking "The one that got away"; paano ba naman, niligawan nya ako at naramdaman kong totoo ang pagtingin nya sa akin at feeling ko noon mas mahaba pa ang buhok ko kay rapunzel. Sa tuwing dumadaan sya at nginingitian ako ay automatic na ang pagtaas ng mga kilay at pagkunot nga noo ng mga di naman kagandahang babae sa school na laging tambay sa Gym dahil sa maniwala kayo't sa hindi ay di mahulugang karayom ang mga masasarap este mga naggagandahang lalaki doon. Ngunit, datapwat, subalit, hindi naging "kami" dahil nahuli ko syang may nilalanding iba sa bench malapit sa locker room ng gym. nakakatrauma. kaya simula noon ay ganoon na lamang din ang galit ko sa mga lalaki sa mundo. pero hindi naman talaga tungkol dito ang nais kong ihatid sa inyo; tungkol ito sa pagibig na pinagbabawal, pagibig na tunay pero hindi maari, pagibig na masaya sana kung ako ang nauna at wala syang kasama.

isang maulan na gabi noon ng pumunta ako sa Binondo dahil nagrequest ang bestfriend ko ng Hopia sa Eng-Bee-Tin, kaya ayun, napadpad nga ako sa Binondo, hawak hawak ang plastic bag na kakulay din ng Hopia na aking binili, Ube. Malamig noon at malakas ang ulan kaya naman naisipan ko munang magpatila at magpainit man lang sa pinakamalapit na coffee shop. Sa mga ganitong panahon ay nageexpect ako na hindi ako makakapasok sa mga coffee shop dahil maulan nga at malamig, pero hindi, pumasok ako sa starbucks sa binondo, kakaunti lamang ang tao doon at tila mas marami pa ang mga nakikita kong tao na kumakain ng caramel o chocolate sundae ng McDo na talaga naman ay napakalayo ng kamurahan ng presyo kaysa sa kahit pinakamaliit na size ng kape ng Starbucks. papasok na ako noon ng biglang nagkasabay kami ng paghawak sa handle ng pinto ng guard kaya naman nagkadikit ang aming mga kamay. Agad agad akong tumingin kay manong guard at sa puntong nagkatinginan kami ay agad agad din ang pagbilis ng takbo ng aking pulso dahil kilala ko ang taong ito, ang aking manliligaw noong kolehiyo, ang aking "The one that got away".

Noel ang kanyang pangalan. Ang buong alam ko ay nakagraduate din sya pero ang ipinagtataka ko ay kung bakit gwardya lamang ang kanyang naging trabaho. Nginitian nya ako at ibinalik ko rin naman ang kanyang ngiti. nakita ko sa kanyang mata ang kakaibang kinang na hindi ko nakikita sa ibang tao, noon din ay naalala ko ang nakaraan na tila kahapon lamang; naglalakad ako patungong Gym upang puntahan sya bago ang kanilang finals laban sa basketball team ng Kolehiyo ng Agham. dumaan ako sa hallway malapit sa water fountain na  laging blockbuster ang pila sa mga istudyanteng uhaw na uhaw na akala mo'y sila ang naglalaro o maglalaro. sa hallway pa lamang ay amoy na amoy na ang nagsamasamang amoy ng malalagkit na pawis at pabango na tumatambay sa ilong. Kakaiba ang pakiramdam ko noon na parang may ayaw akong makita, na may mangyayaring hindi ko magugustuhan, at totoo nga aking pakiramdam. Nakita ko agad sya sa gilid ng bench sa Gym na kahalikan ang ex niya. Mabilis ang takbo ko palabas ng lugar na tila'y ang pangalan ko dapat ang nangunguna sa pinaka latest na issue ng dividendazo kaysa sa kung anong pangalan ng kabayong nakalathala bilang naunang kabayo sa karera noong araw na iyon. nandidilim ang aking paningin dahil sa aking nararamdamang hilo at aking mga nakitang hinding hindi magugustuhan ng taong nagmamahal at umaasa.


Simula pagpasok ko sa shop hanggang pagorder at paginom ko ng kape ay panay ang titig ko sa kanya. hindi padin kasi nagbabago ang kanyang itsura, nandoon padin ang mala-anghel nyang ngiti, ang mga matang akala mo'y tinititigan ang yong kaluluwa, ang mahahabang pilikmata, at ang bilugan at mapupulang pisngi.


"Haaaaaay", nanghinayang ako bigla nang nakita ko ang kape na lagpas na sa kalahati ang bawas. papaano ba naman kasi, kapag naubos ko na ito at kaylangan ko nang umuwi, hinidi ko na makikita si Noel. feeling ko ay nainlove na naman ako kay Noel; na-love at first sight ako na Long time no see edition ang datingan. napakagwapo nya, gusto ko syang kausapin pero nahihiya ako at bawal din dahil naka on-duty din sya.



Paunti-unti lamang ang pagbawas ko sa kape upang mas mapatagal ako sa lugar na iyon. Dinadama ang bawat patak upang mas matagal pang makasama si Noel kahit hanggang titig lamang ako. Nawala na sa utak ko ang galit na noon ay naramdaman ko noong nakita ko ang mga pangyayari. Hindi ko na rin matandaan kung paano ko natiis ang ganoong sakit na tumi-team song pa ng mga kanta ni April Boy Regino na “di ko kayang tanggapin, na mawawala ka na sa akin”. Natatawa na lamang ako sa tuwing naala ko ang mga ito, pero iba ngayon, nakita ko si Noel, malapit siya sa akin, iba ang aking nararamdaman, para bang tinatawag nya ako, papalapit sa kanya, patungo sa kanyang mundo. OA na ang datingan pero sobrang kakaiba ang feeling. Dalaga epek! Pero dalaga pa naman talaga ako, naghihintay parin sa aking Prince Charming na mukhang di na darating dahil mukang partner na sya ng lahat ng Disney Princesses na lumabas sa mga cartoons.

“Ahh miss, kilala po ba kita?” nakangiting tanong sakin ng lalaking pamilyar ang boses. Paglingon ko ay tama ang aking hula, si Noel. Naka t-shirt na puti na lamang sya na may print sa harap na “SINGLE AKO”. Nagulat ako dahil sa kaiisip ko ng mga bagay bagay tungkol sa kaniya ay di ko na namalayan na umalis na pala sya sa kanyang pwesto, nagpalit ng damit at lumapit saakin.

“Oh! Tapos na duty mo?”, tanong ko habang di pahalatang natatawa sa kaniya dahil sa kaniyang suot na T-shirt na mas binigyan ako ng dahilan para kiligin. “Ah oo! 8 ang out ko lagi, OT na yun samin. Kamusta ka na? maganda ka pa din ah!”, tanong niya sakin. Napanganga na lamang ako dahil sa sinabi nyang “maganda ka padin ah” na paulit ulit sa isip kong tumatakbo. Feeling ko lang ay sasampalin na ako ni Noel dahil mga pitong sigundo na akong nakatameme at nakatingin sa kanya ng biglang syang magsalita, “Huy! Tinatanong kaya kita? Haha! Kamusta ka na?” at natawa ulit sya. “Ah e, mabuti naman ako. Pasensya na ah, may iniisip kasi ako e.”, palusot kong sinabi para hindi naman masyadong halata na natanga ako sa kagwapuhan niya. “Hindi ka parin nagbabago ah. Mahilig ka pading magisip isip ng mga kung ano ano. Ahhh ano nga pala, di ko alam kung pano ko to sasabihin pero pwede ko bang makuha number mo? Kung ayos lang naman? Ahh para ano . . . ah, para may katext mate naman ako? Ahehe” tanong nya sa akin. Sa mga ganitong pagkakataon, sa aking mga isinulat nang love story ay kadalasang nagkakatuluyan ang mga taong ito. Pero iba ang pangyayari ngayon, gawa gawa ko lamang ang mga ganitong istorya at sooooobrang dapat kong itaga sa utak ko na nasa reyalidad kami at ang taong nasa harap ko ay ang taong nanakit saakin dati na hanggang ngayon ay di ko padin makalimutan.

Taliwas sa aking pananaw, ibinigay ko padin ang aking number kay Noel. Hindi ko din alam kung bakit pero parang ito ang tama. Ito ang gusto ng aking utak. Ito ang dapat kong gawin. Tila nahulog na yata ako sa kung anong gayumang meron si Noel.

“Uy kailangan ko na palang umalis. Pasensya na ah, nagmamadali kasi talaga ako ngayon. Salamat! Itetext na lang kita. Magreply ka ah!” sabay kaway at dumerederetso sya palabas ng coffe shop. Maging sa pagalis nya ay mukha akong tanga, amoy na amoy sa hangin ang kaniyang pabangong amoy hindi naman mahal kasama ng mga kapeng iniinom ng mga tao sa lugar.


Nalungkot ako ng makita ko siyang paalis pero naroon din ang kakaibang saya sa akin sa kadahilanang nakita ko sya, at masaya ako doon. Siguro nga ay may nararamdaman padin ako para sa kanya, gusto ko padin sya kahit sa ginawa nya saakin.

Pagalis ni Noel ay napabulong ako “Mahal padin kita Noel”, sabay inom sa kapeng halos mawala na ang init.

--ITUTULOY